Sabi ng kakilala ko, sa bawat taong nagpapakasal sa taong hindi itinakda para sa kaniya, may isang kaluluwang mananatiling mag-isa habambuhay. Ito raw ang parusa ng tandahana. Kung iisipin natin, sa dinami dami ng kinakasal araw-araw, siguradong sa kapanahunan ngayon, marami ang magiging matandang dalaga.
Akala ko dati tatanda akong dalaga. Kasi paniwalang paniwala ako na hindi ako marunong magmahal. Sabi ko nga may tao palang ganito. Ako mismo bilib sa sarili ko. Hindi ako nagmimintis na saktan ang mga taong nagmamahal sa akin. Kahit wala sa intensyon ko, kahit akala ko wala naman akong ginagawang masama, para lang talaga akong tanga na paulit-ulit na nananakit. Sorry ako ng sorry pero di naman nagbabago. Kaya sabi ko sa sarili ko, hindi ako karapat-dapat mahalin.
Minsan sa buhay ng isang tao, may darating na tunay na pagmamahal. Hindi tiyak ang lugar at pagkakataon kung kelan ito darating kaya't maswerte ang mga taong may kakayahang ipaglaban ito, pero higit na mas maswerte ang may kakayahang kilananin na ito na nga ang tunay na pag-ibig.
Eksaktong dalawang taon ang nakakaraan, nagsimula ang lahat sa mIRC. Konting chat, bigayan ng number, at ilang linggong pakikipaglandian gamit ang unlimited call ng Sun Cellular postpaid. Nagkita kami sa tapat ng isang elementary school na malapit sa bahay. Niyaya niya akong magsimba sa isang mainit na hapon ng Lunes pero buti na lang at sarado ang simbahan. Sine na lang tayo. Ok. Madilim sa sinehan, malamig at masikip sa lovers' seat. Niyakap niya ako sa matitipunong braso niya at hinalikan niya ang noo ko. Ang ilong. Ang labi. Unti-unti nang bumaba ang mga katawan namin habang nagsasalpukan ang mga uhaw naming labi. Nararamdaman kong nag-iinit na siya dahil lalong humigpit ang hawak niya sakin at lalong madiin ang bawat halik na ibinigay niya. Yan ang una naming pagkikita.
Dalawang taon na ang nakakaraan. Marami na ang nangyari. Nabendisyonan na namin ang mga motel, hotel at pati na rin ang buong bahay. Masagana kami sa pagmamahal kaya't kaya naming ipakita ito sa iba't ibang lugar, paraan at posisyon. Hanggang ngayon kinikilig parin ako sa mga nakaw na tinginan namin. Masaya pa rin akong nakabalot sa mga yakap na mahihigpit at sa mga halik na punong puno ng pagmamahal.
Alejandro, dalawang taon mula ngayon, sana sa tayo naman ang bendisyonan... sa simbahan nang makapagsimula na tayong gumawa ng sarili nating anak at di na tayo manghiram ng mga pamangkin at pinsan natin na pwedeng paglaruan. Minahal kita ng lubos sa nakaraang dalawang taon at mamahalin kita kahit ilang dalawang taon pa ang lumipas.
Ikaw lang, Mr. mIRC. Salamat at hindi ako magiging matandang dalaga ng dahil sa'yo.
Happy anniversary!